All-out ang naging performance ni Miles Ocampo nitong Sabado sa Eat Bulaga para sa kaniyang "last chance" na patunayan ang kaniyang pagiging Dabarkads matapos ma-"Bida Ex at "mapatalsik" noong nakaraang linggo. Pero tila alanganin pa rin ang Dabarkads matapos siyang "patayan" ng ilaw sa kaniyang number.
Sa opening number ng show sa APT Studios, nagbihis bilang mga batang hamog sina Maja Salvador, Maine Mendoza at Ryzza Mae Dizon habang kumakanta at sumasayaw sa mga upbeat na awitin, kasama sina JR Crown, at Juan Caoile at Kyle. Ngunit hindi nila kasama si Miles.
"Medyo masama lang po loob ko Brother Bossing. Sabi po kasi nila opening daw ho kami eh, hindi po ako sinama, naka-ready na po akong nakahamog eh," sabi ni Miles, na naghanda ng pandiinang talento.
Kasabay ng pagpupumilit niyang pumasok sa studio para sa kaniyang number, sinorpresa ni Miles ang Dabarkads nang ipakita niyang hindi lang siya nakapang-hamog, kundi nakagayak din na elegante, para sa kaniyang "doble kara" performances.
Muling bumanat si Miles ng kaniyang knock-knock jokes habang nagdodoble kara sa iba't ibang parte ng programa para ma-impress ang Dabarkads.
"Narinig ko po ang spiels niyo. Kaya ko po lahat ng hinahanap niyo, kumakanta, sumasayaw, nagjo-joke. Ready na ready po ako mag-perform. Ready na ako ngayon. Puwede na po ba?" tanong ni Miles kay Bossing Vic.
"Ah, ah. Mamaya konti, mamaya nang konti," sagot ni Bossing Vic na tila nag-aalinlangan na mag-perform si Miles.
Sa huling parte ng programa, pinayagan na ng Dabarkads si Miles na pumunta sa stage.
"Lahat ng pinakita mo noong nakaraang linggo, okay na 'yun. Nakita namin ang pagpursigi mo, ayos na 'yun, okay na," sabi ni Bossing Vic.
"So bale po legit Dabarkads na po ako?" tanong ni Miles, na muling iginiit na mag-perform siya kahit tila patapos na ang Eat Bulaga.
Hanggang sa pinayagan na ng Dabarkads na mag-perform si Miles, na hinandugan ang audience ng mga awitin at dance number.
Pero sa kaniyang performance, hindi inaasahang namatay ang mga ilaw.
Nitong linggo, nag-apply si Miles bilang camerawoman at bahagi ng production team sa segment na "Sugod-Bahay."
Nagtinda rin siya ng kendi at kung ano-ano pa sa labas ng APT Studios sa Cainta, Rizal nang hindi matanggap sa "Juan For All, All For Juan."
Tuluyan pa kayang makabalik si Miles bilang isang Dabarkads? Panoorin.
—LBG, GMA News