Inihayag ni Arra San Agustin na gusto niyang maka-collaboration ang mga local brand ng makeup sa Pilipinas na kayang makipagsabayan sa mga international brand.
Sa panayam kay Arra sa GMA News "Unang Hirit," inihayag ni Arra kung bakit nakahiligan niya ang pagme-makeup.
"Actually mahilig lang din po talaga ako [sa makeup], hindi ko naman masasabing magaling ako, na-e-enjoy ko lang din po siya. 'Yung process ng pagme-make up, napaka-therapeutic kasi. Tsaka 'yung page ko sa Tiktok, lahat ng pinapanood ko roon puro makeup. Nag-e-enjoy po talaga ako," saad ni Arra.
Dumaan din si Arra sa trial and error sa paggamit ng makeup, hanggang sa matagpuan niya ang mga produkto na babagay sa kaniya.
Dahil sa hilig niya sa pag-makeup, sinabi ni Arra na gusto niyang makatrabaho ang mga local brand sa bansa.
"More of siguro 'yung mga brand, 'yung mga local makeup. Ang ganda na kasi ng Philippine makeup brands ngayon. Ang galing nila, sabay na sabay sila sa international ngayon. In fairness, ang ganda ng quality, long-lasting din," anang leading lady sa Kapuso series na "Lolong."
Ginagampanan ni Arra sa "Lolong" ang role ni Bella, ang misteryosang vlogger na maglalagay ng twist at third wheel sa namamagitan kina Lolong [Ruru Madrid] at Elsie [[Shaira Diaz].--FRJ, GMA News