Masaya si Ian de Leon na kasama niya sa trabaho ang amang si Christopher sa Kapuso series na "Lolong." Pero kuwento ng aktor, hirap silang makapag-bonding na mag-ama dahil sa physical distancing sa lock-in taping bunga ng COVID-19 pandemic.
Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," sinabi ni Ian na masaya siya nang malamang makakatrabaho niya ang ama sa naturang action-adventure series.
"During our lock in, I was thinking 'Uy makakabonding ko na si dad nang solid. Akin lang siya.' 'Yung ganu'n, kami lang ang magkasama," sabi ni Ian.
Gayunman, isinagawa ang production ng Lolong habang umiiral ang pandemya. Kaya kinailangan ng mga artista at staff ang ibayong pag-iingat.
"Pero siyempre safety protocols. After take, after your scene, you have to go back to the hotel and lock yourself in the room, kasi mataas pa ang cases noong time na 'yon," ani Ian.
May mga pagkakataon naman na pinayagan nang mag-gathering, ngunit kailangan pa rin nilang obserbahan ang social distancing at magsuot ng face mask at face shield.
"Funny nga dahil 'yung time na 'yun na nagkaroon kami ng first gathering with everyone sa cast, nasa isang restaurant kami, usually ang restaurant magkakatabi kayo, tapos kumakain kayo sa isang table. Kami hindi," patuloy ni Ian.
"Ang nakakatawa doon is per table, isang tao. Tapos 'yung table na 'yun, 'yung next table mo, malayo sa'yo, so hindi kayo magkakatabi. 'Yung dad ko na-assign doon sa table na malapit sa door. Ako naman sa side na ito kung nasaan 'yung catering," pagbahagi pa niya.
Natatawang kuwento pa ni Ian, kailangan nilang magsigawang mag-ama dahil magkasama man sa trabaho, malayo pa rin sila sa isa't isa.
"'Tay, kumusta ka diyan?!' 'Okay lang anak! Gutom ka na ba? Kain ka lang.' 'Sige po 'tay sabay na tayo.' Nagsisigawan kami across the room. Ganoon ka-weird."
Gumaganap si Ian bilang si Lucas, isa sa mga tauhan ni Mayor Armando Banson [Christopher] at nagsisilbing tinik ng bidang si Lolong, na ginagampanan ni Ruru Madrid.
Si Mayor Armando ang responsable sa halos pagkaubos ng mga buwaya sa munisipiyo ng Tumahan, kung saan nakatira si Lolong at ang kaibigan niyang dambuhalan buwaya na si Dakila.--FRJ, GMA News