Inilahad ng bagong chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na si Lala Sotto-Antonio, na susuportahan niya ang mga lokal na pelikula na tatalakay sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kabilang sa mga nais ni Sotto-Antonio bilang pinuno ng MTRCB ay protektahan ang kaisipan ng mga bata at maging kaagapay ng mga magulang sa panonood.

"I would like for the general public to be more understanding of the agency," pahayag ng bagong opisyal na nagbabantay sa klasipikasyon ng mga ipinapalabas sa telebisyon at mga sinehan.

"Of course to promote and encourage more local films, because I know it will help the industry, local films that focus on Filipino family values, local films that will promote and strengthen the culture and history of our country," saad niya.

Sinabi ni Sotto-Antonio na mentor niya si Senadora Grace Poe, na naupo na rin bilang MTRCB chair noon.

Nakatanggap din daw siya ng mga payo mula sa amang si dating Senate President Vicente "Tito" Sotto III. Kabilang dito ang makinig sa pulso ng industriya at ng mga manonood.

"I believe in consultative leadership. However, it would be my spiritual conviction that will really help me decide on certain things," saad niya.

Nang tanungin kung magiging istrikto siya bilang chair ng MTRCB, tugon niya, "I think so." —Jamil Santos/FRJ/KG, GMA News