Pumanaw na sa edad na 60 ang komedyanteng si Caloy Alde, na kinikilalang "Mr. Bean" ng Pilipinas, at sumikat sa kaniyang karakter na si "Ogag."

Ayon kay Rhoda Porral-Alde, maybahay ni Caloy, dinala sa ospital ang aktor noong July 22 dahil sa “massive heart attack.”

Sabi pa ni Rhoda, sinikap ng mga duktor na i-revive si Caloy “pero wala na po talagang any electrical pulse yung heart niya."

Ibinahagi rin ni Rhoda na nalaman na may congestive heart failure at chronic kidney disease si Caloy dalawang taon na ang nakalilipas.

Noong 1990's nang maging markado ang karakter ni Caloy bilang komedyante sa sitcom na “Ogag” ng TV5.

Ayon sa IMDB, huling napanood si Caloy sa 2020 film “Mang Kepweng: The Mystery of the Black Scarf” bilang si Haring Hap-Hap.

Noong 2015, naitampok sa “Wish Ko Lang” si Caloy, pinagbigyan ang kahilingan niyang makabalik sa paggawa ng comedy project.

Ayon kay Rhoda, nakatakda sanang magdiwang ng kaniyang kaarawan si Caloy sa Huwebes, July 28.— FRJ, GMA News