Inanunsyo ni Michael V. na muli siyang nagpositibo sa COVID-19. Ang comedy genius, idinaan sa birong hindi pa rin welcome ang naturang sakit sa kanilang bahay.
“ROUND 2… FIGHT!” caption ni Michael sa kaniyang Instagram, kasama ang larawan ng kaniyang test ng muli niyang pagpositibo sa virus.
"Nakatanggap ako ng notification from my old friend, COVID... Matagal na kaming hindi nagkikita. Actually sinabihan ko na s’ya na ‘wag nang bumalik pero eto na naman s’ya… magha-'HI' lang daw at magpapa-alala na nandito lang s’ya sa tabi-tabi. Hindi naman daw talaga s’ya umalis, palipat-lipat lang s’ya ng bahay."
Inalala ni Michael ang panganib na idinulot ng COVID-19 sa maraming tao, na nagkaroon pa ng iba't ibang variant na bagama't hindi nakamamatay ay mabilis namang makahawa.
"Kesyo nagbago na raw s’ya; hindi na raw s’ya kasing-lalâ nu’ng dati… pero hindi pa rin ako naniniwala; 'Once a killer…' well…," anang komedyante.
Ayon kay Bitoy, muling nagdulot ng pag-aalala ang COVID-19 sa mga tao sa kaniyang paligid.
"S’yempre inabala n’ya na naman ‘yung pamilya ko, ‘yung community namin, ‘yung trabaho ko… pati asawa ko dinamay pa! Pero hindi ko naman s’ya masisi! Kasi hindi rin naman s’ya nagkulang ng paalala. Talagang matitigas lang ang ulo ng mga tao minsan."
Sinabi ni Michael na hindi niya malilimutan ang laban niya sa sakit.
"Kaya COVID, eto ang message ko sa ‘yo: Hindi ka pa rin welcome sa bahay. Pero salamat na rin sa dalaw. Hayaan mo… kahit bad trip ako sa ‘yo, hinding-hindi kita makakalimutan. Stay safe everyone," saad niya.
Huling nagpositibo sa COVID-19 si Michael noong 2020. —VBL, GMA News