Sa kabila ng kaniyang pagiging abala para sa iba’t ibang pre-pageant activities ng Binibining Pilipinas 2022, dalawang achievements ang nakamit ni Herlene “Hipon Girl” Budol. Bukod sa nakapagtapos na siya sa kolehiyo, mayroon pa siyang bagong bahay.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nakapagtapos na si Herlene sa sa kursong BS Tourism Management sa College of Saint John Paul II nitong Linggo.
Bilang alaala sa kaniyang lola na pumanaw lang kamakailan, binitbit ni Herlene ang larawan nito nang umakyat siya para kunin ang pagkilala sa kaniya bilang “Face of College of Saint John Paul.”
Bago pa man magkapagmartsa, natupad na rin ang pangarap ni Herlene na magkaroon ng sariling bahay.
Habang nakikipagkumpitensya sa Binibining Pilipinas, hindi alam ni Herlene na naghahanap na ng bahay para sa kaniya ang manager niyang si Wilbert Tolentino.
Sinorpresa ni Wilbert si Herlene ng isang magara at modernong bahay, na siya namang ikinatuwa ng aktres at aspiring beauty queen.
Doon na aniya tutuloy si Herlene kasama ang pamilya pagkatapos ng pageant.
Patuloy si Herlene sa kaniyang paghahanda lalo’t malapit nang idaos ang Binibining Pilipinas coronation night.
“Ito na eh, ilalabas ko na po lahat ng pinaghirapan naming lahat, na naipon po ‘yung pagod, hirap na ito, isang bugahan lang sa tinagal-tagal naming nag-training ng pasarela, ng Q&A, konting oras lang po namin ibibigay ‘yun sa isang stage. Kaya sobrang excited po kaming lahat,” sabi ni Herlene. --Jamil Santos/FRJ, GMA News