Hindi itinanggi ni Gina Pareño ang kalungkutan kapag wala siyang ginagawang proyekto dahil gustong-gusto pa rin niyang umarte at magtrabaho.

Sa isang YouTube vlog ni Ogie Diaz na ipinost nitong Lunes, sinabi ng 75-anyos na aktres na naapektuhan din ng COVID-19 pandemic ang kaniyang trabaho.

Hangad daw ni Gina na makabalik sa trabahong mahal niya.

“Gusto kong makakita ng camera, may ilaw atsaka yung maramdaman ko na umarte ako at nakakapag communicate ako sa inyong lahat. Malungkot ako ‘pag walang gano’n,” pag-amin ng veteran actress.

“Gusto ko pang umarte. Kaya nga ako nagti-TikTok kasi naiilawan ako, umaarte. Nakakaloka ang hindi umarte,” patuloy niya. “Sana mabigyan ako ng role.”

May pagkakataon sa naturang panayam na nagiging emosyonal at naiiyak si Gina.

“Alukin naman ninyo ako. Kunin ninyo naman ako. Sige na kasi ‘pag sa kuwarto ako aarte, baka mauwi ako sa mental nito,” may halong biro na pahayag pa ni Gina.

“Gustong-gusto ko pang umarte, nakakakita ng camera, papanoorin ako ng tao. Gusto ko. Gutom na gutom ako sa gano’n [pag-arte] hanggang ngayon,” patuloy niya.

Kuwento ni Gina, kinakausap niya at pinapaalalahan niya ang kaniyang sarili kapag nakakaramdam siya ng sobrang lungkot.

“Pareño, tumigil ka. Ayan ka na naman,” sabi ni Gina kapag pinapaalalahanan daw niya ang kaniyang sarili.

Para malibang ang sarili at magawa pa rin kahit papaano ay makaarte, gumawa ng Tiktok videos si Gina bilang si "Lola Gets."

Labis ang pasasalamat ni Gina sa mga sumusuporta sa kaniya, at hangad daw niyang makita silang muli.

Pinayuhan din ni Gina ang mga kabataang artista na mahalin ang mga taong sumusuporta sa kanila.

“Ang dami natin dapat utang na loob sa kanilang mga tagahanga kasi pinag-aaksayahan ka nila ng panahon sa dami ng artista kaya ‘wag tayong magmalaki,” payo ng aktres.

“Mahal ko ang mga taong nagmamahal sa akin. Lahat kayo nirerespeto ko at nagpapasalamat ako sobra,” sabi pa niya.

Naging bahagi ngayon si Gina ng GMA 7’s adventure series na “Lolong.”  Nitong nakaraang Enero, nakasama niya sina Dexter Doria at Sofia Pablo sa isang episode ng “Wish Ko Lang.” — FRJ, GMA News