Inanunsyo ni Justin Bieber na naparalisa ang kalahati ng kaniyang mukha dahil sa viral infection na Ramsay Hunt Syndrome.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras Weekend," sinabing humingi ng paumanhin ang Canadian singer sa kaniyang mga tagasuporta dahil makakansela ang kaniyang mga show, at maaaring kasama rito ang mga show niya sa Pilipinas.
Ang Ramsay Hunt Syndrome ay epekto ng virus na tumitira sa facial nerves ng isang tao.
Dahil dito, bahagyang naparalisa ang kalahati ng mukha ni Justin.
"As you can see, this eye is not blinking, I can't smile on this side of my face, this nostril will not move," sabi ni Justin.
"So, there’s full paralysis on this side of my face. So for those who are frustrated by my cancellations of the next shows, I'm just physically, obviously, not capable of doing them. This is pretty serious, as you can see," dagdag pa niya.
Maaaring matamaan ang show niya sa Pilipinas sa Oktubre.
"Heartbreaking" ang naging anunsyo para sa Beliebers sa Pilipinas na masigasig na nag-abang sa pagbabalik ng kanilang idolo. —Jamil Santos/VBL, GMA News