Kabilang ang Superstar na si Nora Aunor sa pitong bagong hinirang ng Malacañang bilang mga Pambasang Alagad ng Sining.
Sa inilabas ng pahayag ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) nitong Biyernes, sinabing idineklarang National Artist for Film and Broadcast Art si Nora Villamayor, o Nora Aunor.
Kasama niya sa naturang kategorya ang batikang screen-writer na si Ricardo “Ricky” Lee, at ang namayapang direktor na si Marilou Diaz-Abaya.
National Artist for Theater naman ang namayapa na ring si Antonio “Tony” Mabesa, at for Fashion ang pumanaw na rin na fashion designer na si Salvacion Lim Higgins.
Ang iba pang mga bagong National Artist ay sina Agnes Locsin (for Dance), Gemino Abad (for Literature), at Fides Cuyugan-Asensio (for Music).
Noong termino ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ay naging matunog na ang pangalan ni Nora para ideklarang National Artist pero hindi ito nangyari.
READ: PNoy: Nora’s drug problem cost her National Artist title
Pero sinabi ni Nora na hindi masama ang kaniyang loob nang hindi siya nakasama sa short list ng mga nominado para sa parangal noong 2014.
Mayroon mga prebilehiyong natatanggap ang mga idinideklarang National Artists ng bansa. Bukod sa pinansiyal na insentibo ay maaari din silang ihimlay sa Libingan ng mga Bayani.--FRJ, GMA News