Madadagdagan ang role ng comedy genius na si Michael V. sa pagbabalik ng "Pepito Manaloto," dahil siya na ang tatayong direktor nito.
"Napakapersonal sa akin nitong Pepito Manaloto and from the beginning, si direk Bert de Leon talaga 'yung designated director. And noong nawala siya, nagpaalam siya, wala kaming choice eh, hindi namin maatim na palitan si direk," sabi ni Michael sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.
"Kaya minabuti na lang namin na in the meantime, ako muna 'yung mag-helm ng directorial job," dagdag ni Bitoy.
Nag-umpisa na ang taping ng cast ng panibagong aklat ng "Pepito Manaloto," na tila probinsiya ang setting.
"Dito magsisimula 'yung pagpapatuloy ng kuwento ng mga Manalotos. At dito niyo malalaman kung ano 'yung pinagdaanan nila at kung ano 'yung patutunguhan nila," sabi ni Bitoy.
Mapapanood na sa GMA Saturday Primetime simula Hunyo 11 ang pagbabalik-telebisyon ng cast para sa "Pepito Manaloto: Tuloy ang Kwento."
"Ngayon, dahil sa pagbabalik ng Book 3, tinutuloy lang talaga natin ang kuwento. Ang dapat abangan dito ay bakit itinuloy ang kuwento? Siyempre makikita natin diyan magka-cameo ulit 'yung mga dating naging guest na natin, dating nakasama na natin," paliwanag ni Michael.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News