Nagluluksa ang Philippine showbiz industry sa pagpanaw ng "Reyna ng Pelikulang Pilipino" na si Jesusa Purificacion Levy Sonora-Poe, o mas kilala bilang si Susan Roces. Balikan ang naging makulay na buhay ng isa sa mga haligi ng industriya.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing ipinanganak si Susan noong Hulyo 28, 1941 sa Pasay City, base na rin sa record ng Encyclopedia of Philippine Art ng Cultural Center of the Philippines.
Siyam na taong gulang noon si Susan nang simulan niya ang karera niya sa showbiz.
Napanood siya sa pelikulang "Mga Bituin ng Kinabukasan" noong 1952, at nasundan pa ng "Sino Ang May Sala" (1957) at "Patayin Mo sa Sindak si Barbara" (1974).
Nakatambal ni Susan sa "Ang Daigdig Ko'y Ikaw" si Ronald Allan Kelley Poe o Fernando Poe Jr. na kaniyang napangasawa kalaunan.
Ilang beses nang tumanggap ng FAMAS award si Susan dahil sa galing at husay niya sa pag-arte.
Todo ang naging pagsuporta ni Susan kay FPJ nang tumakbo ito sa pagkapangulo noong 2004 elections. Gayunman, natalo si FPJ sa nakaupo noon na si Gloria Macapagal Arroyo.
Disyembre noon ding 2004 nang pumanaw si FPJ.
Hunyo 2005 nang pumutok ang kontrobersiya na "Hello Garci," kung saan naalala si Susan sa kaniyang galit na pahayag laban kay Arroyo, nang maibasura ng Presidential Electoral Tribunal ang kahilingan niyang ipagpatuloy ang protesta ni FPJ.
Sa pagdaan pa ng mga panahon, gumawa pa si Susan ng mga pelikula at TV show, kabilang ang Mano Po 2: My Home.
"We extend our deep condolences to the family, loved ones, close friends and colleagues on the passing of Jesusa Sonora Poe, more popularly known as Susan Roces," sabi ni Acting Presidential Spokesperson Sec. Martin Andanar.
"Ms. Roces was the Queen of Philippine Movies and her death is truly a big loss not only to the local entertainment industry but to all the people whose lives the beloved icon had touched and affected. Our thoughts and prayers are with Ms. Roces and her family as we pray for the eternal repose of her soul," dagdag pa ni Andanar.
"To honor Ms. Susan Roces, we will also enjoin the Film Development Council of the Philippines to spearhead a Susan Roces Film Festival wherein her films and other restored Filipino classics can be screened for the general public to appreciate her unparalleled legacy, or be made available through the FDCP streaming platform," panawagan naman ni Rep. Christopher V.P. de Venecia ng Film Development Council of the Philippines.
Ang lolo ni De Venecia ang may-ari ng Sampaguita Pictures kung saan gumawa ng maraming pelikula si Susan.
May mga nag-alay din ng bulaklak sa bituin ni Susan sa Eastwood City Walk of Fame sa Quezon City.
Nakatakda ang burol ni Susan sa Heritage Memorial Park sa Taguig nitong Sabado ng gabi. – Jamil Santos/RC/KG, GMA News