Sa napipintong pagkapanalo niya bilang senador sa Eleksyon 2022, naniniwala ang action star na si Robin Padilla na suportado ng mga tao ang isinusulong niyang plataporma para sa pederalismo at pag-amenyanda sa Saligang Batas.
Sa panayam ng GMA News, inihayag ni Robin na hindi lang ang pagiging sikat niya ang pangunahing dahilan kaya mataas ang lumalabas na botong nakukuha niya sa partial at unofficial count sa bilangan ng boto sa pagka-senador.
“Kapag hindi nagbago yung trend at ako ay nanatili sa pagiging number one, isa lang po ang ibig sabihin nu'n: Ang tao gusto na talaga ng federalism at 'yan po ang napakalaking hamon sa lahat po ng mga senador na mananalo po magmula sa akin,” ayon sa aktor.
“Ang naging number one po dito ay yung kagustuhan ng taong-bayan na palitan na po natin ang Saligang Batas. 'Yon po ang aking pinaniniwalaan. 'Yon po ang gusto ng taong-bayan. Hindi po ako, ang gusto po nila ay yung plataporma na ibigay ang kapangyarihan sa mga lalawigan,” paliwanag pa niya.
Tumatakbo si Robin sa ilalim ng ruling party na PDP-Laban. Pinasalamatan niya ang mga sumusuporta sa kaniya dahil wala siyang sapat na pondo para itulak ang kaniyang kandidatura.
Sa bilang ng mga boto mula sa Comelec Transparency Media server dakong 9:32 pm. nakakuha na si Robin ng 17, 851, 883 boto at nangunguna sa listahan ng mga kandidatong senador. —FRJ, GMA News