Tumestigo sa korte ang psychologist na inupahan ng abogado ni Johnny Depp para magsagawa ng pagsusuri sa mental health record ng dating asawa ng aktor na si Amber Heard.
Sa ulat ng Agence France Presse, sinabi sa korte ni Shannon Curry, clinical and forensic psychologist, sinuri niya ang mental health records ni Amber at personal din na nagsagawa ng pasusuri sa aktres sa loob ng 12 oras sa loob ng dalawang araw noong December 2021.
Batay sa kaniyang pagsusuri, sinabi ni Curry na mayroong borderline personality disorder and histrionic personality disorder ang 36-anyos na aktres.
"She obtained scores that were consistent with those diagnoses," ani Curry kaugnay ng defamation case ni Johnny laban kay Amber.
Nais naman ng abogado ni Amber na sirain ang kredibilidad ng testimonya ni Curry sa cross-examination. Iginiit niya na kaya hindi pabor kay Amber ang sinabi nito ay dahil inupahan siya ng abogado ng aktor.
"If you did not find something that would be in favor of Mister Depp and negative to Miss Heard than you wouldn't be an expert in this case?" tanong ng abogado ni Amber na si Elaine Bredehoft, kay Curry.
"I present science regardless of what that science may be," tugon naman ni Curry.
Ayon sa psychologist, kabilang sa mga pangunahing katangian ng borderline personality disorder ay pagkakaroon ng "a lot of inner anger and hostility," at "tendency to be self-righteous" at "fluctuating moods."
"They can react violently, they can react physically," dagdag ni Curry. "Oftentimes they will be abusive to their partners."
"It's almost play-acting," patuloy niya.
Ayon pa kay Curry, nagsagawa na rin ng pagsusuri sa mga US combat veteran, na sa kaniyang pananaw ay hindi nagkaroon ng post-traumatic stress disorder (PTSD) si Amber bunga ng sinasabing naranasang domestic abuse.
Paniwala ni Curry, "grossly exaggerated" ang ipinakitang sintomas ni Amber ng PTSD sa isinagawang test sa kaniya.
Itinanggi ng 58-anyos na si Johnny na sinasaktan niya ang dating asawa. Katunayan, si Amber umano ang nagiging marahas.
Nagsampa ng defamation case si Johnny laban kay Amber kaugnay sa lumabas na ulat sa The Washington Post noong December 2018. Inilarawan dito ng aktres ang sarili na "public figure representing domestic abuse."
Hindi tinukoy ni Amber ang pangalan ni Johnny pero nagsampa ng $50 million damage suit ang aktor laban sa kaniyang dating misis dahil pinapalabas umano siyang nananakit ng asawa.
Nagsampa naman ng kontra-demanda si Amber at humingi ng $100 million damages dahil umano sa naranasan niyang "rampant physical violence and abuse" sa aktor.
Nagkakilala ang dalawa noong 2009 sa set ng pelikulang "The Rum Diary." Nagpakasal sila noong February 2015 at na-divorce pagkaraan lang ng dalawang taon. --AFP/FRJ, GMA News