Nilinaw ni Rey "PJ" Abellana ang panig ni Tom Rodriguez na hindi ito nasangkot sa issue ng "one night stand." Sa gitna ito ng mga espekulasyon na may problema sa pagsasama nina Tom at asawang si Carla Abellana. 

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, pinayuhan ni Rey sina Carla at Tom na mag-usap para maayos at masagip ang kanilang pagsasama.

"Importante na may communication silang dalawa, i-workout na nila 'yan, so much the better na ma-normalize na uli sila at maipatuloy na nila 'yung buhay mag-asawa nila," sabi ni Rey.

Ayon kay Rey, personal siyang pinuntahan ng manugang niyang si Tom, kung saan inilahad ng aktor na kagustuhan nitong maayos ang problema nila ni Carla.

"When he came over to talk to me and explained his side, he would cry along with his explanations and everything. He keeps on saying na he wants his wife back. He wants Carla back because she loves Carla very much. That's why they settled down," sabi ni Rey.

Nilinaw din ni Rey na nagkamali siya na hindi niya naipaliwanag nang mabuti ang issue tungkol sa "one night stand" na kinakaharap ni Tom, na nabanggit niya sa isang panayam.

"At first, may nakarating po at nalaman ni Carla na may issue na one night stand na involved si Tom. Si Tom naman was able to explain kay Carla na wala naman din pong katotohanan po ito at naiwasan naman din niya na mangyari 'yon. So wala pong natuloy na one night stand, according to Tom's side," paliwanag ni Rey.

"'Yun po ang scenario ng issue na one night stand. Napa-short cut lang po, napa-abrupt lang po pagkasabi ko kay Nanay Cristy [Fermin] na napag-isipan nang masama," dagdag ni Rey.

Pag-amin ni Rey, hindi pa niya naririnig ang panig ni Carla tungkol sa pinagdadaanan nilang marital problem ni Tom, pero nagmensahe sa kaniya ang anak matapos lumabas ang kaniyang interview.

"She was mad, she was questioning me why I came up that way? Of course I explained it to her right away and after my explanation, explaining my side, hindi na naman din siya nag-message uli," sabi ni Rey.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag sina Tom at Carla sa hiling ng GMA News na makapanayam sila. – Jamil Santos/RC, GMA News