Tigil muna sa taping si Ruru Madrid matapos magtamo ng minor fracture sa kanang paa habang ginagawa ang stunt sa upcoming Kapuso adventure-action series na "Lolong."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ikinuwento ni Ruru na-out balance siya sa ginawa niyang stunt kaya nagka-fracture ang kanan niyang paa.
“Medyo nag-alangan ako kasi parang gusto ko pang i-perfect yung scene. Medyo nakulangan sa taas ng talon ko so sabi ko, ‘In this take, tataasan ko na siya,’” saad ng aktor.
“Habang ginagawa ko siya, nagulat ako do’n sa sarili ko na gano’n kataas yung take off ko kaya pag-bagsak ko, unexpected nabigla kong na-twist yung right foot ko,” patuloy niya. “’Di ko kayang tumayo dahil sa sobrang sakit.”
Kaagad na inalalayan ng medical staff na nasa set ang aktor at kinalaunan ay dinala sa pinakamalapit na ospital mula sa kanilang lock-in taping location.
Sa X-ray, doon na nakita ang minor fracture sa paa ni Ruru at pinayuhan siya na magpahinga muna ng dalawa hanggang anim na linggo.
Aminado si Ruru na nalungkot siya sa nangyari dahil anim na araw na lang ay matatapos na sana nila ang kanilang lock-in taping. Nagpapasalamat siya sa kaniyang mga kasamahan sa trabaho na nagpahayag ng suporta at malasakit sa kaniya.
“I’m very sad. Ayoko po kasi ng because of me, made-delay yung trabaho but hindi naman po ‘yon pinaramdam ng mga tao po dito sa set,” pahayag ni Ruru, na nangakong gagawin ang lahat para mabilis na gumaling at makabalik sa trabaho.
Kasama sa "Lolong" ang mga batikang aktor na sina Boyet De Leon at Jean Garcia, at ang 22-feet animatronic crocodile na si "Dakila.
--FRJ, GMA News