Humirit ng baby number two si Dianne Medina sa kaniyang asawang si Rodjun Cruz. Kasabay nito, tinanong ni Dianne ang kaniyang mister nagkaka-crush pa rin ba ito kahit may asawa na?

Sa programang "Mars Pa More," tinanong ni Rodjun si Dianne: "Mayroon ka pa bang wish sa bucketlist mo na kaya kong i-grant para sa'yo?"

"Isa pang anak, of course. Baby [number] two," agad na tugon ni Dianne.

"Okay, mamaya, mamaya. I gotchu," biro ni Rodjun sa kaniyang asawa.

"Praying talaga. This year let's claim it," sabi ni Dianne.

Matapos nito, tinanong naman ni Rodjun kung papayag ba si Dianne na sumubok sila ng pangatlong beses para sa isang baby girl, kung sakaling boy ang kanilang baby number 2.

"Well let's see. Pero kasi as of now, parang okay na kasi ako sa dalawa. Pero kung kunwari naging boy nga, hoping kasi gusto ko rin talaga ng girl. So tingnan natin," ani Dianne.

Inihayag din ni Rodjun na kung may nais man siyang baguhin kay Dianne, ito ay bawasan ang sobrang pagtatrabaho.

"Dahil sobra siyang nakatutok sa trabaho, siguro gusto ko bawasan niya 'yon. Kasi grabe siya sa trabaho, sobrang seryoso siya na minsan napapagod, para makapagpahinga rin talaga siya," anang Kapuso actor.

Ikinasal sina Rodjun at Dianne noong Disyembre 2019, at mayroon na silang isang anak na si Joaquin.

Kasabay nito, tinanong ni Dianne ang kaniyang mister nagkaka-crush pa rin ba ito kahit may asawa na? Alamin ang sagot ng aktor sa video.

--FRJ, GMA News