Naranasan ng stand-up comedian na si Ian Red ang tila eksena sa pelikula na umiiyak siya sa bintana ng isang ordinaryong bus dahil sa sobrang lungkot nang hindi matanggap sa inaplayang mga trabaho.
Kuwento ni Ian sa programang "Mars Pa More," kaagad siyang naghanap ng trabaho nang makapagtapos siya ng high school at hindi na nakapag-aral ng kolehiyo.
"Pagka-graduate ko sinubukan ko na agad na mag-apply ng kung ano-anong trabaho. Named it, lahat po ng fast food chain, inaplayan ko. Pero wala pong tumanggap sa akin kahit isa," balik-tanaw niya.
"Every time na mag-a-aplay ako ng trabaho, uuwi ako na wala akong napala. So umiiyak ako sa bus na ordinary lang hindi pa aircon. Nasa bintala lang ako umiiyak ako," patuloy ni Ian.
Nang panahon iyon, lagi raw siyang may hawak na mga diyaryo para sa classified ads ng mga bakanteng trabaho.
"Sa pinakahuli kong inaplayan, prinangka ko na mismo yung nag-i-interview. Sabi ko sa kaniya, "Tatanggapin niyo po ba ako o hindi?' Ang sagot niya sa akin, 'Hindi kasi may kulay ang buhok mo," ayon kay Ian.
Higit sa kulay ng buhok, hinala ni Ian, nagkaroon sa kaniya ng gender discrimination nang panahong iyon.
Sa kabila ng malungkot na karanasan na hindi matanggap noon sa trabaho, sinabi ni Ian na masaya naman siya ngayon dahil maayos ang kaniyang trabaho sa larangan ng entertainment.
At ang lesson na natutunan niya, "Kahit na gustuhin mo kung hindi para sa'yo, hindi para sa'yo."
--FRJ, GMA News