Biglang dami sa social media ang followers ng cast ng "All of Us Are Dead" matapos pumatok ang naturang Korean zombie series. Ang isa sa kanilang mga "classmate," isang Pinay.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa Saksi nitong Huwebes, sinabing matindi ang pagka-hook ng mga Pinoy sa series, na tungkol sa mga estudyanteng naipit sa kanilang school matapos kumalat ang isang zombie virus.

Dahil dito, kailangang makatakas ng mga mag-aaral mula sa mga zombie.

Dumami naman ang followers nina Park Solomon, gumanap bilang si Lee Suhyeok; Cho Yi-hyun na gumanap bilang si Choi Nam-ra; Park Ji-hoo bilang si Nam On-jo; at si Yoon Chan-young bilang si Lee Cheong-san.

Kasama rin sa cast ang isang Pinay na si Noreen Joyce Guerra.

Swak ang role ni Noreen Joyce, na isang international student sa Korea at nagpa-part time sa movie productions.

Lumabas na rin si Noreen Joyce sa maraming Korean dramas, at nakatrabaho ang mga kinagigiliwang Korean stars. — Jamil Santos/VBL, GMA News