Ibinahagi ni Beauty Gonzalez na nakaiwas siya sa bagsik ng bagyong "Odette" sa Siargao nang dahil sa paghikayat sa kaniya ng kaniyang ina na puntahan siya sa Dumaguete.
Sa virtual mediacon kamakailan para sa pinagbibidahan nila ni Dingdong Dantes na I Can See You anthology: "AlterNate," sinabi ni Beauty na dapat ay pupunta siya sa Siargao, Surigao del Norte bago tumama ang bagyo.
Pero dahil kaarawan din iyon ng kaniyang ina, hinikayat siya ng huli na umuwi at puntahan siya sa Dumaguete sa Negros Oriental, at sinunod naman ng aktres.
Bagaman naapektuhan din ng bagyo ang Dumaguete, hindi kasing tindi ng pinsala ng Siargao ang tinamo nito.
"But there are places in Negros also that got affected," saad niya. "Talagang naramdaman namin 'yung bagyo."
May mga kababayan din umano sila sa Negros na malubhang naapektuhan ng kalamidad at kailangan ng tulong.
“May mga places pa rin sa Negros na walang ilaw, walang tubig," pahayag niya na naranasan din sa ibang lugar na sinalanta ng bagyo sa Siargao, Dinagat Island at Cebu.
Dahil sa nangyari, na-stranded si Beauty sa Dumaguete at hindi na nakapag-promote ng pelikula niya na kasali sa Metro Manila Film Festival na "Huwag Kang Lalabas," hindi na rin siya nakasama sa unang fluvial parade ng film festival.-- FRJ, GMA News