Inihalintulad ni Barbie Forteza ang pagbibidahan niyang "Mano Po Legacy" sa American fantasy drama series na "Game of Thrones."

Sa panayam sa kaniya sa Kapuso Showbiz News, sinabi ni Barbie na ito ang una niyang proyekto matapos ang kaniyang contract renewal sa Kapuso Network.

"I am humbled and overwhelmed na ito po ang aking first project after my network contract renewal. It's a very big project and I'm super honored to be part of this."

Nagustuhan daw agad ni Barbie ang kaniyang role matapos mabasa ang script.

"When I read the script, it was so well-written and 'yung execution ng aming direktor parang wala pong bida. Parang equally distributed po ang story and script, lahat kami. Para siyang Game of Thrones,' lahat may story," sabi niya.

"It's really a family legacy, it's all about family po," dagdag pa ni Barbie.

Gaganap si Barbie bilang si Steffy Dy, isang dalagang nanggaling sa napakasimple at napakasayang pamilya.

Naging scholar si Steffy ng mayamang pamilya ng mga Chan, at magiging secretary ni Cristine Chan, na gagampanan ni Sunshine Cruz.

"Doon po magsisimula na makararamdam ako at ma-meet ko ang Chan family. At maramdaman ko, makita ko ang mga sikreto sa kabila ng success ng empire ng mga Chan," ani Barbie.

Magiging katunggali ni Cristine sa negosyo si Valerie Lim, na gagampanan ni Maricel Laxa.

"'Yun naman po ang gusto ko sa script. Hindi lang basta kontrabida, may pinanggagalingan. And also may soft side rin po ang character ni Ms. Maricel Laxa."

Ang "Mano Po Legacy: The Family Fortune" ang naging opening salvo ng GMA ngayong 2022.

--FRJ, GMA News