Kinagiliwan noon bilang mga batang sina Tin-tin at Sha-Sha sa "Super Twins," may kaniya-kaniya nang career ang mga nasa 20s na ngayong sina Ella Cruz at Nicole Dulalia.

Anu-ano na nga ba ang kanilang pinagkakaabalahan sa labas ng showbiz?

Sa "Tunay Na Buhay," ikinuwento ni Nicole na nagtatrabaho siya ngayon bilang isang marketing consultant sa maritime field, na parehas sa tinapos niyang kurso sa communications.

Sinimulan ni Nicole ang kaniyang business na car accessories ngayong pandemya.

Si Ella naman, nakatuon sa pagpapalago ng kaniyang social media, at ang pagkilala pa sa kaniyang sarili.

"This year mas nag-focus ako sa sarili ko, like getting to know who am I really, kung saan ako mas masaya," sabi ni Ella.

Nagbukas ng online shop si Ella, na nahihilig ngayon sa pagkolekta ng mga kristal.

Parehong gumagawa ng pangalan sina Ella at Nicole sa social media. May mahigit 90,000 followers sa Tiktok si Nicole habang vlogger na si Ella. — Jamil Santos/VBL, GMA News