Nais ni Dennis Trillo na gumanap sa isang karakter na sagad sa buto ang kasamaan na ikagagalit ng mga manonood.
Sa ginanap na press conference noong Martes, sinabi ng leading man ng Kapuso series na "Legal Wives," na handa siyang gumanap na kontrabida sa proyekto na ang bida ay ang balik-Kapuso na si John Lloyd Cruz.
"Gusto ko kamuhian naman ako ng mga tao. Magalit sila sa 'kin, hindi personal, sa character ko," paliwanag ni Dennis sa showbiz press kaugnay na rin sa nalalapit na pagtatapos ng hit series niyang "Legal Wives" ngayong linggo.
"Gusto ko ma-experience 'yun, 'yung [kontrabida na] tipong walang mabuting buto sa katawan," patuloy niya.
Sinabi ni Dennis na gusto niyang gawin ang naturang role kapag nagkaroon na ng show sa GMA si John Lloyd, na gagawa ng sitcom sa kaniyang pagbabalik-Kapuso.
Bukod sa pagiging kontrabida, inihayag din ni Dennis na tatlo ang asawa sa drama series "Legal Wives," na nais din niyang gumawa ng isang romantic comedy project.
Sa nakaraang panayam kay Dennis sa "The Howie Severino Podcast," sinabi rin ng aktor ang kagustuhan niyang gumanap na kontrabida.
"Gusto ko lang din na binabago palagi 'yung mga ginagawa ko para hindi sila nagsasawa. Kailangan mag-effort talaga at magpakita ng panibago palagi or interesting na kakapitan ka pa rin nila," paliwanag niya.
—FRJ, GMA News