Nakiramay si Kuya Willie Revillame sa isang lalaking caller na nawalan ng asawa at limang anak dahil sa bagyong Yolanda noong 2013.

Sa Wowowin-Tutok To Win, inihayag ng caller na si Dante Vicente, na nasa Legazpi, Albay, na nasawi ang kaniyang pamilya sa Leyte.

"Ako lang po ang naka-survive. Ako lang po," sabi ni Dante.

Pag-amin ni Dante, naging mahirap ang kaniyang sitwasyon at dumating sa puntong hiniling niya na ring mawala sa mundo.

"Nawala po ako sa huwisyo, naglakad kung saan-saang lugar," saad ng caller.

Pero nang makilala ang kaniyang ikalawang asawa na ngayon, naka-move on si Dante at unti-unting nagkaroon ng bagong buhay.

"Then afterwards po noong na-meet ko 'yung asawa ko, na second wife ko ngayon, siya po 'yung nagbigay sa akin ng lakas para makabangon muli," sabi ni Dante.

"Maganda po ang pagsasama namin. Umaasa po kami sa Panginoong Diyos na magkakaroon po kami ng magandang kinabukasan hanggang sa pagtanda namin," dagdag pa niya.

Hiling ni Dante ang kaunting puhunan ngayong apektado silang mag-asawa ng pandemya, na siya namang tinupad ni Kuya Wil. — VBL, GMA News