Sa video na ini-upload ni Kris Aquino sa Instagram, makikita pagiging malapit ni Bimby Yap kay Mel Sarmiento, na fiancé na ngayon kaniyang ina.
Matapos ibahagi ni Kris ang engagement nila ni Mel, nag-post ang aktres ng question and answer video , na kasama nila si Bimby.
Tanong ni Bimby sa dating secretary ng interior and local government, "anong moves mo Tito Mel to get my mama ?"
Nagtawanan sila pero hindi kaagad nakasagot si Mel. Sinundan ito ni Bimby ng tanong kung papaano siya maglambing sa kaniyang ina.
Dito na nagsambit si Kris kay Mel na, "Don't shock my son."
Bagay na tila ikinagulat ng natatawang si Bimby.
Malumanay na pagtatapat ni Kris, "Because out of the blue he just kissed me."
Patuloy naman ang mga tanong ni Bimby kung anong klaseng kiss at kung gaya ba sa pelikula ang nangyari.
Ayon kay Kris, nagulat siya sa ginawa ni Mel na tinawag niyang, "Ang lakas ng loob."
Nakangiti namang sinabi ni Mel, hindi niya napigilan ang kaniyang sarili at hindi rin naman siya pinigil.
Sa naturang topic, makikita na tanggap ni Bimby si Mel para sa kaniyang ina.
Una nang sinabi ni Kris na may pahintulot ni Bimby ang pagsagot niya kay Mel. --FRJ, GMA News