Suportado ng anak ni Kris Aquino na si Bimby Yap ang engagement nila ni Mel Sarmiento, na dating pinuno ng  Department of Interior and Local Government.

Nitong Miyerkules, ibinahagi ni Kris ang video na makikitang aprubado ni Bimby ang engagement ng kaniyang ina at si Mel.

Kuwento ni Kris, tinanong muna niya si Bimby noong nakaraang linggo tungkol sa relasyon nila ni Mel.

Pahayag sa kaniya ni Bimby, “I’m very happy of course. You two deserve each other.”

Nang tanungin kung bakit naging madali ang pagsang-ayon ni Bimby kay Mel, tugon ng kaniyang anak, “it’s because he loves you with no agenda at all and you can really tell he wants to take care of you, me and kuya.”

“And basically I can tell whenever he looks at you his eyes twinkle. Basta you can feel he genuinely loves you, Mom,” dagdag pa ni Bimby.

Nagpasalamat si Kris sa naging basbas ni Bimby dahil hindi raw mangyayari ang engagement kung wala ang pahintulot ng anak.

Sa video, nagpasalamat ang newly engaged couple sa suporta sa kanila ng mga tao.

“Salamat sa lahat ng bumati sa ’min,” ayon kay Mel na dating DILG secretary sa panahon ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

“We want to say thank you very much [because] we have been so touched with overwhelming kindness and the happiness that you have shown that we are happy. Thank you,” sabi ni Kris.

Nilinaw din ni Kris na commitment rings ang laman ng kahon na una niyang ipinakita sa post.-– FRJ, GMA News