Itatampok sa "Magpakailanman" ngayong Sabado ang buhay ni "Hipon Girl" Herlene Budol. Si Herlene mismo ang gaganap sa kaniyang istorya na hindi napigilang maging emosyonal sa pag-alaala sa kaniyang mga pinagdaanan sa buhay.
Sa Chika Minute report sa Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing malayo na ang narating ni Herlene mula sa pagiging contestant sa "Wowowin," hanggang sa naging co-host ni Willie Revillame, at nasundan pa ng marami oportunidad sa sowbiz.
Pero gaya ng ibang artista, marami rin naging pagsubok sa kaniyang karera si Herlene, na ibabahagi niya sa special episode ng "Magpakailanman."
Sa script reading pa lang, ilang beses nang naiyak si Herlene dahil nagbalik sa kaniyang alaala ng mga nangyari sa kaniyang buhay.
"Nung nagbabasa po ako ng script noon, nadadala po ako. Nami miss ko na rin po yung pamilya ko. Puro work po [muna] ngayon," anang dalaga.
Makakasama niya sa naturang episode bilang kapatid si Maxine Medina, na hindi sang-ayon na tawaging "hipon" si Herlene.
"Good person talaga itong Herlene. Nung naging part ako nitong MPK ng life niya, ang dami ko ring natutunan," ayon sa beauty queen.
Sinabi noon ni Herlene na binansagan siyang "hipon" noong sumasali siya sa mga local beauty contest dahil sinasabing katawan lang ang maganda sa kaniya.
Sina Gardo Versoza at Maureen Larrazabal, na gaganap na mga magulang ni Herlene, nagpahayag din ng paghanga sa dalaga.--FRJ, GMA News