Hindi na makakasama ang "Hometown Cha-Cha-Cha" star na si Kim Seon Ho sa dalawang pelikula matapos ang kontrobersiya sa kaniya tungkol sa forced abortion.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nagsimula ang isyu nang mag-post ang isang anonymous tungkol sa aktor na si "K" na pinilit umano siyang magpa-abort kapalit ng alok na pakakasalan siya.
Sumabay ang post sa series finale ng Hometown Cha-Cha-Cha noong Linggo, kaya hindi naiwasan ng marami na maghinuha na si Kim Seon Ho ang pinatutungkulan nito.
Nagbigay ng pahayag ang agency ng Korean actor, na sinabing bineberipika pa nila ang mga akusasyon.
Pero humingi na ng tawad si Kim Seon Ho sa kaniyang ex, co-stars, staff at mga tagasuporta.
"I was seeing her with good emotions. In that process, I hurt her due to my carelessness and inconsiderate actions. I apologize for causing trouble to my co-stars and all of the related staff who worked with me due to my flaws. I would like to sincerely apologize to everyone who was hurt," sabi ni Kim Seon Ho.
Maliban dito, nakatakda na ring umalis si Kim Seon Ho sa isang variety show at napaulat na inalis na rin siya bilang endorser ng ilang brand. — VBL, GMA News