Inihayag ng Kapuso actress na si Klea Pineda na siya man ay nabiktima ng body shaming.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  sinabi ni Klea na hindi niya maiwasan na maapektuhan sa mga nababasang mapanlait ng komento ng ilang netizens.

"Ang hirap sa totoo lang na makabasa ng ganun," saad niya. "Humahanap sila ng butas para hilahin pababa 'yung kapwa babae nila or kapwa tao nila. Bakit hindi na lang tayo maging masaya para sa isa't isa?"

"Nitong mga nakaraang months, nawala 'yung parang self-esteem, self-confidence, nawala 'yun, nawala 'yun sa akin," dagdag pa ni Klea.

Matapos ang kaniyang bakasyon, balik sa pagwo-workout si Klea, na bibida sa "Never Say Goodbye."

"A little progress each day adds up to big results," saad niya sa Instagram post.

Ilan sa mga celebrity na naglabas din ng saloobin nila laban sa mga body shamer ay sina Michele Gumabao, Ayn Bernos, Kris Bernal at Gabbi Garcia.

—FRJ, GMA News