Mula sa pagiging "child wonder" ng Eat Bulaga, isa nang Sangguniang Kabataan president at padre de pamilya si BJ "Tolits" Forbes.

"Ngayon po ay dito sa Angono, SK President po ako. Although work from home kadalasan dahil pandemic tayo. Tapos nag-aalaga ako ng aking baby," pag-update ni Tolits sa "Cash Landing on You" segment ng Eat Bulaga nitong Miyerkoles.

Ayon kay BJ, magdadalawang taon na ang kaniyang anak.

Bilang SK President, online rin muna ang halos lahat ng kanilang sessions dahil pa rin sa pandemya.

Sinabi ni BJ na may mga nag-aalok pa rin sa kaniya na acting projects.

"Meron pong mga nag-o-offer kaya lang mahirap kasi puro lock-in eh," sabi niya.

Bukod sa pagsali noon 2003 sa "That's My Boy" segment ng "Eat Bulaga!", tumatak din sa mga tao ang kaniyang mga linya para sa isang commercial brand.

Muling napanood si BJ sa Kapuso epic primetime series na "Sahaya." -- FRJ, GMA News