Nagparehistro na bilang botante para sa Eleksyon 2022 ang Kapuso Comedy Genius na si Michael V. May paalala rin siya sa publiko sa kahalagahan sa pagboto ng susunod na mga lider ng bansa.

Sa Instagram, nag-post ng larawan si Bitoy na makikita ang kaniyang inked thumbs.

Nagbahagi rin siya ng tula na nagsasaad ng payo para mga botante na maging matalino at gamitin ang puso sa pagpili ng mga iboboto:

We’ve been through the age of unfair elections.
Madalas, ang ending, sangkatutak na objections.
Umaabot sa People Power o kaya sa impeachment.
Kasi ’yung nanalo e wala namang commitment!

Sa gitna ng pandemic meron pa ring nagpa-rehistro.
Hoping pa rin tayo na may isang kandidato
Na ’pag naka-puwesto e hindi mang-aabuso.
Na ang uunahin e kapakanan ng tao.

Wala naman akong balak makipagtalo.
Iboto n’yo na lang kung sino ang gusto n’yo.
’Yung iba sa inyo nagpa-silaw na sa pera
Pero this time sana, utak at puso ang gumana.

Sa lahat ng social media, grabe… ang tatalino n’yo!
Ang lakas ng loob mo na kumontra sa gobyerno
Wala namang epekto ’yang mga pahaging mo!
Kasi ang hindi bumoto, walang karapatang mag-reklamo.

Ilang presidente pa ang gusto mong manloko?
Ilang eleksyon nang parang walang pagbabago?
’Wag na tayong magpa-uto! ’Wag na tayong magpa-gago!
Para hindi naman sana masayang ang boto.

 

 

Isa lang si Bitoy sa maraming celebrity na nagparehistro upang makaboto sa May 2022 national elections.

Kabilang sa kanila sina Bianca Umali at Barbie Forteza, na pumila ng madaling araw para makapagparehistro.

Si Barbie, nakita pang nakatalungko sa bangketa habang naghihintay nang pumili ng 4 a.m.

Ibinahagi naman ni Bianca na tumagal ng 13 oras ang tiniyaga nito para makapagparehistro.

Una rito, inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na pinalawig nila ang voter registration sa Oktubre, na dapat sanang magtatapos ngayong Setyembre 30.

Ipagpapatuloy ang voter registration sa Oktubre 11 hanggang 30. – FRJ, GMA News