Ibinahagi ng dating child actress ng youth-oriented show na si Guila Alvarez na 13 taon na siyang nagtatrabaho sa oil and gas industry. May pagsisisi kaya siya na iniwan niya ang showbiz?
"Hindi naman ako talaga roon sa rig, sa back office naman ako. Pero [sinusuportahan ko], siyempre kailangan pumunta roon para malaman ko kung 'yung talagang trabaho ng kumpanya," sabi ni Guila sa Bawal Judgemental ng Eat Bulaga nitong Martes.
Ayon kay Guila, malayo ito sa kurso niya sa kolehiyo na psychology, pati na rin sa kaniyang buhay showbiz.
"Iba siya eh. Kasi lumaki ako sa showbiz eh, 'yun na 'yung kinalakihan ko, everyday ito na lang 'yung buhay ko na gigising nang maaga, pupunta sa set tapos lahat ng eskwela ko naka-photocopy 'yung notes ko," sabi niya.
"Noong nag-start akong mag-corporate, sabi ko 'Sige subukan ko.' Okay din pala, feeling ko normal akong tao," dagdag ni Guila.
"Sa showbiz ba, parang feeling mo ang taas taas mo 'di ba? Pero ito, kasabay ko silang lahat, masaya, mababait lahat ng tao, tinanggap nila ako na parang sila rin," sabi pa niya.
Matapos daw magkolehiyo, nagtrabaho na si Guila at dito siya natutong makibagay o makisalamuha sa kaniyang mga nakikilala.
Noong 2019, bumalik si Guila sa showbiz nang gumawa siya ng pelikula na Kuwaresma, na pinagbibidahan nina Sharon Cuneta at John Arcilla.
"Nakaka-miss to be someone else, to put your feet into somebody else's shoes. Kaya nu'ng nagshu-shoot kami ng Kuwaresma, kahit na hindi ko eksena, andoon ako nakikinood," sabi ni Guila, na hanga raw sa kasalukuyang teknolohiya na ginagamit sa production.
"May isang shot na walong camera na sabay-sabay. Sabi ko 'Grabe naman ito!' Noong nakita ko, in a few minutes, na-edit na nila agad, napakita na nila. 'Wow! Ibang iba, kasi sa nakalakihan ko may tape pa eh tapos ang dubbing kapag mali mag-rewind ka na naman manual," sabi niya.
Gayunman, hindi pinagsisisihan ni Guila na iniwan niya ang showbiz.
"Actually no regrets ako, kasi sobrang saya ng dinaanan ko after college... Noong grumaduate ako sabi ko 'Ayoko magtrabaho, ayoko ng kahit ano.' Hanggang sa may nag-offer ng work sa akin, corporate," sabi niya.
"Mas marami ngang lalaki because 'yung mga engineer usually mga lalaki sila, but there are few na mga babae na engineers, and marami kang matututunan sa kanila kahit hindi 'yun ang pinag-aralan ko," sabi ni Guila.
—LBG, GMA News