Pansamantalang mawawala sa Kapuso primetime block ang hit series na "The World Between Us," at sa Nobyembre na magbabalik. Bakit nga ba kailangan mag-season break ang seryeng pinagbibidahan nina Alden Richards, Tom Rodriguez, at  Jasmine Curtis Smith?

Sa Kapuso Showbiz News, ipinaliwanag ni direk Dominic Zapata na nakaapekto sa kanilang taping ang pagdedeklara ng mahigit na enhanced community community quarantine (ECQ).

Sinabi ng batikang direktor na sinunod nila ang direktiba patungkol sa health protocols bilang pangangalaga rin sa kaligtasan at kalusugan ng lahat.

“First and foremost, safety really comes first. We really understand that as a network, as people the audience looks up to, we have to show the same kind of responsibility we expect from each and every Filipino,” anang direktor.

“I think that’s what our adherence to safety protocols calls for kaya namin ginawa ‘yun," dagdag pa niya.

Gayunman, may magandang bunga rin umano ang nangyari dahil magkakaroon ng pagkakataon ang cast members na masuri ang kanilang pag-atake sa kani-kanilang karakter ngayon mas tumitindi na ang takbo ng istorya.

Ngayong linggo, makikita na muling nagkakasundo na ang mga karakter nina Alden (Louie) at Jasmine (Lia).

Kasabay ng pagkakaayos nina Louie at Lia, ikasasama naman ito ng loob ng karakter ni Sid Lucero (Eric), na may gusto kay Lia.

Samantala, nalaman na ni Tom (Brian) na hindi niya tunay na ina ang karakter ni Dina Bonnevie (Rachel).

Kasama rin sa cast sina Jaclyn Jose, beauty queen Kelley Day, at si Alyanna Asistio.— FRJ, GMA News