Mayroon na umanong "short list" ang administrasyon na pinagpipilian para sa 12 kandidato na susuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa senatorial race sa Eleksyon 2022, ayon sa isang opisyal ng PDP-Laban.
“President Rodrigo Roa Duterte is now finalizing his senatorial line-up composed of reelectionist, returning senators, cabinet members, and prominent personalities,” pahayag ni Eastern Samar Governor Ben Evardone, PDP-Laban vice president for Visayas.
Kasama sa listahan ang pangalan nina Public Works and Highways Secretary Mark Villar, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Presidential Spokesperson Harry Roque, Transportation Secretary Arthur Tugade, Labor Secretary Silvestre Bello III, at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Maging sina House Deputy Speaker Loren Legarda, Information and Communications chief Gregorio Honasan II, Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri, former senator JV Ejercito, Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos, Presidential Anti-Corruption Commission Greco Belgica, at Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar.
Pasok din sa mga pinagpipilian ang TV host na si Willie Revillame at aktor na si Robin Padilla, at broadcaster na si Raffy Tulfo.
Ayon kay Evardone, ikakampanya ni Duterte ang mga kandidatong susuportahan ng PDP-Laban.
Ang mga mapipili ay ibabatay umano sa kanilang track record sa pagsisilbi sa mga tao, integridad, kakayahan, at pagmamalasakit sa mga mahihirap.
Hindi naman masabi ni Evardone kung kailan magiging pinal ang listahan ng 12 magiging kandidato ng administrasyon sa senatorial race.
Pero nitong nakaraang linggo, sinabi ni Revillame na may mahalagang desisyon siyang ihahayag sa unang linggo ng Agosto.
Bagaman hindi niya sinabi kung tungkol saan ang kaniyang sasabihin, inihayag naman ng TV host mahalagang desisyon ang gagawin niya sa kaniyang buhay.
Nakiusap din siyang huwag maliitin ang mga artistang sumasabak sa pulitika.
READ: Kuya Wil sa posibleng pagtakbo sa Eleksyon 2022: 'Hindi ako kenkoy sa Senado. —FRJ, GMA News