Dumulog si Kris Bernal sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos siyang makatanggap ng 23 fake food bookings na ipinadala sa bahay niya.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nangyari ang 23 fake delivery sa loob lang ng dalawang araw.
Kahit isa raw sa 23 order na inihatid ng delivery riders, walang inorder ang aktres.
Ayon kay Kris, nagsumbong na siya sa NBI para na rin sa kaniyang ina at maging sa mga rider na nabibiktima at inaabala sa trabaho.
Kilala raw ni Kris ang babae na nasa likod ng mga fake delivery.
Katunayan, bukod sa kaniya ay may iba na rin daw na mga artistang nabiktima ang babae pero hindi niya tinukoy kung sino ang mga ito.
Hindi rin sinabi ni Kris kung bakit ito ginagawa ng babaeng pinaghihinalaan niya.
Pinakiusapan na raw niya ang babae noon na itigil na ang ginagawa pero hindi raw ito nakinig.
"It's the same number, it' s the same person. This is actually the third time already pero napuno na ako. Kasi hindi biro...23 [deliveries] in the middle of pandemic," sabi ni Kris.
Kawawa rin umano ang mga delivery rider na napipilitang mag-abono sa mga inorder ng nagpapakilalang siya.
Umaabot daw P200 hanggang sa P2,000 ang inorder ng manloloko.
"Nagseserbisyo sila [delivery riders]. They want to get bookings as much as they can, gusto nila mag-book nang mag-book tapos magkakaroon sila ng problema," saad ng aktres.
Ayon kay Vic Lorenzo, hepe ng NBI-Cybercrime Division, hindi na bago ang naturang mga reklamo at babalikan daw nila ang mga ito para alamin sa gagawing pagsasampa ng reklamo.
Samantala, sinabi Grab Philippines, na mayroon silang zero-tolerance policy sa mga katulad na kaso.
Na-block na umano ang telepono ng taong nasa likod ng panloloko at nakikipag-ugnayan na sila sa aktres at sa mga awtoridad para sa ginagawang imbestigasyon.
Isinauli din nila ang ibinayad ang mga nabiktimang delivery partners nila. --FRJ, GMA News