Apat na taon gulang pa lang si Bea Alonzo nang iwanan sila ng kaniyang ina ng kaniyang ama na isang Briton. Ngayong nakapanayam siya ni Jessica Soho, magpatulong kaya siya na hanapin ang kaniyang ama?
Sa panayam ni Jessica para sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," binalikan ang buhay ni Bea noong nagsisimula pa lang siya bilang artista.
Gaya ng marami, nagmula sa mahirap na pamilya si Bea, na nanghihiram lang noon ng damit sa kapitbahay para may magamit sa kaniyang trabaho.
Siya rin ang nagbibitbit ng kaniyang mga gamit kapag may trabaho at nakiki-angkas lang dahil wala pa siyang sasakyan noon.
Dahil sa kaniyang pagpupursige, nakamit ni Bea ang tagumpay bilang isa sa mga pinakasikat na artista ngayon.
Gayunman, may mga bagay daw siyang kinailangan niyang isakripisyo tulad ng kaniyang pag-aaral--na isa raw sa kaniyang mga insecurities.
Samantala, apat na taon gulang pa lang noon si Bea nang iwan sila ng kaniyang ama na isang Briton.
“It was a very painful past,” saad ng bagong Kapuso.
Dahil kilala ang "KMJS" sa husay sa paghahanap ng mga nagkawalay na pamilya, tinanong ni Jessica si Bea kung nais niyang hanapin ang ama.
Pero natatawang sabi ni Bea, "Naku 'wag na po nating hanapin ang tatay ko kawawa naman yung nanay ko."
Paliwanag ni Bea, nabuo naman ang kaniyang pagkatao kahit wala ang kaniyang ama.
"Growing up, hindi ko na-feel na meron pagkukulang kasi my mom is both my dad [and my mom]," paliwanag niya.
Naging maayos din ang paggabay sa kanila ng kaniyang stepfather, na 17-taon nang kasama ng kaniyang ina.
Itinuturing pa nga ni Bea na "blessing" sa kanila ang kaniyang stepdad.
"Siya yung parang naging glue, naging dahilan kung bakit kami naging ganitong ka-close," paliwanag ni Bea.
"Sometimes gusto mo parang ’yun bang traditional family, ’di ba? But sometimes, there are also blended families and sometimes, it just works. You just have to be happy about it,” patuloy niya.
Una rito, sinabi ni Bea na pangarap niya noon pa man na makapanayam siya ni Jessica. At natupad na ito sa naturang one-on-one interview na ginawa sa mismong farm ni Bea sa Zambales.--FRJ, GMA News