Sa "Tunay Na Buhay," muling binalikan nina Jeric Raval at misis niyang si Holiday Buensuceso ang kanilang mga tampuhan noon, kabilang na nang mahuli ni Holiday ang action star na may ibang ka-date.
"Matagal na rin, oo matagal na," sagot ni Holiday nang tanungin kung kailan siya huling nagselos kay Jeric.
"Tsaka madami," biro naman ni Jeric.
"Countless, pero matagal na," pagpapatuloy ni Holiday.
Sinagot din ni Holiday kung kailan nangyari ang kanilang pinakamatinding away noon ni Jeric.
"'Yung 2002. Nahuli ko siya... Iniwan ko siya, tapos tawag siya nang tawag sa akin, hindi ko sinasagot," sabi ni Holiday.
Nang tanungin naman kung natakot si Jeric, "Oo. Siyempre ayoko namang mawala 'yung asawa ko," ang sagot ng aktor.
Inalala pa ni Holiday ang kadalasang linya ni Jeric kapag nahuhuli.
"'Pag nahuhuli ko siya pala, dialogue naman niya, 'Wala 'yan, kaibigan ko lang 'yan. Huwag mong pagselosan 'yan.' 'Yan 'yung lagi niyang expression. Paminsan, pakiramdam ko na totoo talaga. Pero minsan... kunwari naniniwala na lang ako," sabi ni Holiday.
Umabot sa 18 ang mga naging anak ni Jeric.
"Noong una siyempre mahirap, masakit. Kaya lang, lagi naman niyang sinasabi sa sakin na kahit daw nagkaanak siya sa iba, hindi naman niya kami iiwanan. Kami pa rin 'yung priority niya," ayon kay Holiday.
"Hindi pa ako Jeric Raval noon nang maging kami. 'Yung isang bagay na tinitingnan ko sa kaniya, wala naman ako noon eh, sumasakay lang ako sa pamasada ng jeep. Nagustuhan niya ako, minahal niya ako, marami siyang sakripisyo sa akin, marami siyang pagtitiis," pasasalamat naman ni Jeric sa kaniyang misis. —LBG, GMA News