Guwapo at matikas na action star si Jeric Raval kaya hindi na nakapagtataka kung marami ang babae ang umibig sa kaniya. Ang lahat daw ng kaniyang naging anak, umabot sa 18.

Sa programang "Tunay Na Buhay," binalikan ni Pia Arcangel ang buhay ni Jeric na isa sa mga sikat na action star noong 1990's.

Pagbabalik-tanaw ni Jeric, ilan sa mga kasabayan niyang action star noon ay sina Raymart Santiago at Zoren Legaspi.

Nang panahon na iyon, ikinukumpara siya kay Robin Padilla, na isa nang sikat na action star.

Pero pag-amin ni Jeric, pagiging rapper na tulad ni Francis Magalona ang pangarap niya pero napunta siya sa pagiging actions star.

Sa tanong kung lapitin ba talaga ng babae ang mga action star, natatawang paliwanag ni Jeric, "Sa mga nakita ko na mga nauna sa aking action star, sila...lapitin sila."

WALANG DNA

Ayon kay Jeric, 18 ang kaniyang anak mula sa anim na babae.

Isa sa kaniyang mga anak ang pumasok na rin sa showbiz at bumida na sa sexy-comedy movie na "Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar"--si AJ Raval.

Pero ayon kay Jeric na isang overprotective father, hindi niya sinuportahan ang naturang movie ni AJ.

"Noong una natutuwa ako [sa pagpasok niya sa showbiz], very supportive naman ako. Kaya lang ang 'di ko lang sinuportahan yung movie niyang ano... Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar," ayon kay Jeric.

Mayroon pang apat na kapatid si AJ sa kanilang ina, na siyang kasama ngayon ni Jeric sa buhay.

Walang pagdududa si Jeric na anak niya lahat ang 18 at hindi na raw niya ipina-DNA ang mga bata.

Paliwanag niya, "Pagpalagay mo hindi mo anak pero inacknowledge mo, natuwa di ba [yung bata]? Nabigyan mo ng kasiyahan."

Patuloy niya, "Eh halimbawa na anak mo pala talaga 'yan [tapos] idininay [deny] mo. Eh 'di napasama mo pa ang kalooban ng anak mo."

Pero gaano kaya kakabisado ni Jeric ang pangalan ng mga anak at nakakailang anak siya sa loob ng isang taon? Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News