Ibinasura ng korte sa Makati City ang kasong ilegal na droga na isinampa ng pulisya laban sa rapper na si Loonie, o Marlon Peroramas sa tunay na buhay.
Bukod kay Loonie, lusot din sa kaso ang kaniyang kapatid at manager na si Idyll, at kanilang empleyado.
Sa inilabas na desisyon nitong Martes ni Judge Gina Bibat-Palamos ng Makati Regional Trial Court Branch 64, kinatigan ng korte ang hiling ng mga akusado na ibasura ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Naaresto si Loonie, at mga kasama noong September 2019 sa Makati sa isinagawang buy-bust operation sa isang hotel.
Nakuha umano kina Loonie ang 15 sachets ng naglalaman ng kush o high-grade marijuana, bagay na itinanggi naman ng rapper.
Sa desisyon ni Palamos, sinabing walang katibayan na naipakita ang kampo ng tagausig. At hindi rin nabigyan ng katwiran kung bakit walang kinatawan ng elected public official o mula sa Department of Justice nang isagawa ang buy-bust operation.
Sa pahayag, sinabi ni Loonie na pinag-aaralan nila ang posibilidad ng pagsasampa ng reklamo laban sa taong nagtanim ng ebidensiya sa kanila nang isagawa ang operasyon ng pulisya.
"We offer this victory to God and to everyone who's been supporting us through and through," ayon sa rapper. —FRJ, GMA News