Maraming fans ng "Trese" ang nagkakasundo na bagay si Glaiza de Castro na bumida bilang si Trese kung magka-live action adaptation ito, kaya gumawa na sila ng pasulyap sa isang fan-edit na trailer.

Sa panayam sa kaniya ng GMA News Online, sinabi ni Bazty Orca, 22 anyos, bank credit staff at fan ng "Trese" mula pa noong 2017, na mayroon silang Facebook group kung saan tinatalakay nila ang comics at nagpapalitan na ng mga ideya sa posibleng live action o anime adaptation nito.

Ayon kay Orca, sang-ayon ang karamihan na bagay kay Glaiza ang role.

"Fans think she's perfect for the role... We can feel it! We feel the 'angas,' we think she can pull off a stoic voice," sabi ni Orca.

Ikinakumbinsi raw ng fans ang pagganap ni Glaiza bilang ang Babaylan at Mandirigma na si Trese, dahil sa magaling niyang pagganap bilang si Pirena sa Encantadia.

Muling binalikan ng fans ang ideya na ito matapos ang Netflix premiere ng "Trese" noong nakaraang linggo, matapos na hindi tumugma ang pagiging voice actor ni Liza Soberano sa kanilang mga inaasahan sa series.

Nakita raw nila ang isang fanart ni Glaiza bilang si Alexandra samantalang sina Mikael Daez at Gil Cuerva naman sina Crispin at Basilio.

"I really want to prove that Glaiza will kill this role so I decided to edit the trailer using her voice," sabi niya.

Inabot si Orca ng anim na oras gamit ang ilang audio clips mula sa Encantadia para magawa ang sarili niyang version ng trailer, na nag-viral na sa social media.

Sa ngayon, meron na itong higit 10,000 likes, higit 6,000 shares at may 187,000 views sa Facebook.

Ayon kay Orca, parehong magagaling na mga aktres sina Glaiza at Liza, pero matagal na raw na fan favorite si Glaiza.

"Trese was created for its readers... So don't invalidate the feelings of Trese fans," sabi ni Orca. – Jamil Santos/RC, GMA News