Unti-unting gumagawa ng pangalan at marka sa Hollywood ang Pinay actress na si Nicole Santiago matapos siyang mag-guest sa isang American sitcom.
Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing nag-guest si Nicole sa sitcom na "Bob Hearts Abishola" bilang isang Pinay nurse na si Jane.
Kinagiliwan ng mga Pinoy sa abroad nang magbitaw si Jane ng mga linya sa Filipino. Kabilang dito ang pagsabi niyang "Bruha!" sa bidang si Abishola, na nagmarka sa viewers.
"After sinabi ni Jane 'yung bruha, ang dami kong nakukuhang text sabi, 'Bruha!' Bruha!' Sobrang natutuwa 'yung mga Pilipino na nasabi 'yon sa primetime television," sabi ni Nicole.
Ayon kay Nicole, mahirap para sa katulad niya na makasungkit ng role sa isang television series.
"Talagang pinagfa-fight natin 'yung representation for Filipino-Americans, especially in a hospital setting kasi doon tayo talaga famous eh, sobrang sikat na sikat ang mga ate natin na nurse sa ospital," sabi ni Jane.
Naging guest star na rin si Nicole sa CBS primetime series na "All Rise" kung saan naka-eksena niya ang kapwa Fil-Am actor na si Reggie Lee, na isa sa kaniyang inspirasyon nang mapanood sa TV show na "Grimm."
"Noong makita ko si Reggie Lee na nagkukuwento ng istoryang Pilipino katulad ng aswang, na-inspire ako. Ang full-circle moment, noong pagdating ko sa All Rise na set, nalaman ko na siya pala 'yung una kong kaeksena on my first day," sabi ni Nicole.
Naging theater actress muna si Nicole sa Amerika bago maging aktres sa telebisyon.
Gumanap na siya bilang Kim sa Los Angeles production ng Miss Saigon.
Bumida na rin siya bilang si Princess Fiona sa Shrek The Musical at si Miss Honey sa musical na Matilda.
Naging theater actress na rin siya sa Repertory Philippines bago mag-migrate sa Amerika.
Naging finalist siya sa Metropop Star search noong 1999 na ipinalabas sa GMA.
Sinabi ni Nicole na umaasa siyang patuloy na mabibigyan ng representation sa international television and film ang mga Pinoy at mas lumawak pa ang mga oportunidad para sa Filipino artists.--Jamil Santos/FRJ, GMA News