Sa pagbabalik-telebisyon ni John Lloyd Cruz, dalawang programa ang nakatakda niyang gawin sa Kapuso network.
Ito ang napag-alaman matapos na magpulong sina John Loyd at GMA Films President and programming consultant to the GMA chairman Annette Gozon-Valdes, ayon sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
Kasama rin sa naturang pulong si Edgar "Bobot" Mortiz, na inaasahang magiging direktor ng sitcom na isa sa mga proyektong gagawin ni John Lloyd.
"At last nagkita na kami. Exciting times ahead! Abangan!," saad ni Gozon-Valdes sa kaniyang Instagram post.
Una rito, inihayag ni "Wowowin-Tutok To Win" host Willie Revillame, na gagawa ng sitcom si John Lloyd at isang aktres na may inisyal na A.T ang posible niyang makatambal.
Pinaniniwalan ng marami na si Andrea Torres ang tinutukoy na aktres ni Willie.
Kung matuloy ang proyekto, hindi naman ito ang unang pagkakataon na mapapanood sa GMA si John Lloyd.
Napag-alaman na napanood na siya sa Kapuso network noong 2000 sa horror-fantasy series "Kakabakaba."
Bukod kay Gozon-Valdes, nakausap din ni John Lloyd si Vice President for Program Management Joey Abacan.
Taong 2017 nang magdesisyon si John Lloyd na magpahinga sa showbiz.
Pero ilang linggo pa lang ang nakalilipas, muli siyang nakita sa telebisyon kasama si Kuya Wil para sa isang e-shopping platform's special.. — FRJ, GMA News