Nakikipaglaban ngayon sa COVID-19 habang nakaratay sa isang ospital sa Rizal ang Pinoy music icon na si Mike Hanopol.
Nitong June 10 nang dalhin sa ospital ang Pinoy Rock Music legend at kinalaunan ay nagkaroon ng mga panawagan para sa pinansiyal na tulong kaugnay sa gastusin niya sa ospital.
Nitong Linggo, nag-post sa Facebook si Edgar H Siscar, na makikita si Mike na kumakaway at nagpapasalamat sa mga tumulong sa kaniya habang nanatiling nakaratay sa pagamutan.
"Rav MIKE HANOPOL expresses his thanks to everyone for all the prayers and the well-wishes. Let us further pray for his full recovery from COVID-19 for the spread of God’s word, the conversion of souls, the forgiveness of sins, and for the glory of God’s holy name. Praise God for all His goodness. Alleluia. Amen," saad ni Siscar sa caption ng video.
Si Mike, 75-anyos ay miyembro ng sikat noon na Juan dela Cruz Band na nasa likod ng mga awiting "Himig Natin," “Titser’s Enemy No. 1,” “Beep Beep” at maraming iba pa.--FRJ, GMA News