Nagbukas na ang kauna-unahang BTS pop-up store sa Pilipinas na matatagpuan sa Mandaluyong City, na maaari nang bisitahin ng ARMYs para mabili ang ilang sa collectibles ng K-pop group.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing kasabay ng pagbubukas ng pop store ang pagiging certified hit ng "Map of the Soul" album ng BTS.
Isa ang ARMY na si Zyra Tinio sa mga pinalad na naimbitahan para sa first dibs sa straight-from-Korea BTS merchandises.
"We're inspired of BTS. Talagang it's not just being a fan but it's believing also what BTS stands for. That's ARMY's way to show their love for BTS," sabi ni Zyra.
Maliban sa iba't ibang for sale na collectibles, na may halagang mula P200 hanggang P10,000, may lugar din para sa selfie at mapanood ang music videos ng BTS.
Sinabi ng organizers na hamon ang pagbubukas nila ng pop-up stores dahil na rin sa pandemic.
Para sa ARMYs na gustong bumisita, kailangang mag-register online bago makapunta sa pop-up store, at bibigyan ang kada customer ng 30 minuto para makabili.
Mahigpit na ipatutupad ang health protocols at batches of 30 lang ang pahihintulugang pumasok sa loob.
Implemented din ang social distancing at bawal tanggalin ang face masks at face shield.
Limang Guinness World Record ang na-break ng latest single ng BTS na "Butter."
Ayon sa Guinness World Record, 3.9 milyong viewers ang sabay-sabay nanood ng Butter music video nang i-release ito noong nakaraang linggo, na siyang pinakamarami para sa isang music video at overall video sa YouTube.
Nabasag din ng K-pop giant ang sariling record na three million concurrent viewers para sa Dynamite.
Butter din ang most viewed music video in 24 hours para sa isang K-pop group, kasunod ng opisyal na pagkilala ng Guinness sa dalawa pa nilang records, na most viewed music video on YouTube at most streamed track on Spotify sa unang 24 oras ng release nito. —Jamil Santos/LBG, GMA News