Tinugtugan ng piano ng isang 11-taong gulang na bata ang mga hayop sa isang zoo sa Thailand para makapag-relax ang mga ito.
Sa ulat ng Reuters, na mapapanood sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita ang pagtugtog ng piano ng batang si Seenlada Supat para sa mga lemur, meerkat at mga zebra, habang suot niya ang kaniyang alligator costume.
Bukod sa gusto niyang ma-relax ang mga hayop, sinabi ni Seenlada na gusto niya ring mahasa ang kaniyang pagtugtog at ma-overcome ang kaniyang stage fright.
Naaliw naman ang mga hayop sa pagtugtog ni Seenlada, at nakapindot pa nga sa piano ang isa sa kanila.
Umaakyat pa sa likuran ng bata ang iba sa kanila.
Hindi pa rin gaanong binibisita ang zoo dahil mas pinipili ng marami na manatili sa tahanan dahil sa third wave ng COVID-19 doon.
Plano naman ng zoo na magsagawa ng once-a-week music show para sa mga hayop. —Jamil Santos/LBG, GMA News
