Marami ang hindi nakakaalam na magkapatid ang aktres na sina Kaye at Sarah Jane Abad. Pero sino nga ba sa kanila ang mas matanda at unang nakapasok sa showbiz?
Sa "Did You Know" ng Kapuso online talk show na "Just In," binalikan ang panayam ni Paolo Contis kay Kaye tungkol sa pagsisimula ng aktres sa entertainment industry.
Kuwento ni Kaye, sabay-sabay silang nag-audition ng kaniyang mga kapatid noong bata pa lang sila para sa isang pelikula noon na pinagbibidahan nina Richard Gomez at Lorna Tolentino.
"Nu'ng nag-audition, sabi ni Ms. Shamaine [Buencamino]... malaki raw 'yung chance ko kasi ang parents diyan is Richard Gomez at Lorna Tolentino. So since morena ako, malakas daw 'yung chance ko kasi nga malapit kay Richard," kuwento ng dating aktres.
"So hoping na ako. Biglang binago 'yung cast, naging Lorna Tolentino at Gabby Concepcion. Hindi na ako puwede. Wala, nang pagkukuhanan [ng kulay]. So ang nakuha, si Sarah, Antoinette [Taus] tsaka si Tom [Taus]. Doon nag-start," kuwento pa ni Kaye.
Ang pelikulang tinutukoy ni Kaye ang "Kung Ako'y Iiwan Mo" noong 1993.
Matapos ang isang taon, nag-audition si Kaye para sa isang youth-oriented comedy variety show at doon na nagsimula ng kaniyang showbiz career.
Sinabi rin ni Kaye na siya ang panganay sa magkakapatid at apat na taon ang tanda niya kay Sara.
Si Sarah ay dating asawa ng Kamikazee vocalist na si Jay Contreras.
Ikinasal ang dalawa noong 2009 pero inanunsyo nila ang paghihiwalay noong nakaraang taon. --FRJ, GMA News