Sinagot ng Filipino boy group na SB19 sa "Brigada" ng GMA News TV ang ilang hate comments mula sa kanilang bashers, kabilang ang isang hamon na magsuot sila ng bahag para patunayan na "proud Pinoy" sila.
"[K]ung talagang proud Pinoy sila bahag ang isuot nila,kung SISIKAT talaga sila kahit bahag lang ang suot sisikat sila, yon talaga wala silang ginaya, yon ang tinatawag na pure Pilipino talent," hamon ng isang netizen sa SB19.
"Gusto mo ba talaga?" pabirong sagot ni Ken.
"Ate, sure ka na ba dito? Baka mamaya 'pag nagbahag kami ma-fall ka," biro naman ni Stell.
Hirit naman ni Justin: "Puwede po. Sa susunod na content namin, abangan niyo po 'yan."
Sinagot din ng grupo ang ilang komento na "feeling K-Pop" at wala raw silang originality, at ginagaya lamang ang Korean style.
"Nag-e-evolve naman po talaga ang fashion, nag-e-evolve ang music. Andito na po tayo sa modern times, 2021 na po, ganu'n po talaga. Asian country po tayo so naturally po meron po tayong mga reference din galing sa Asia," depensa ni Josh.
"Hindi po Korea ang ginagaya namin, sariling style lang po namin lahat, pati po pananamit, lahat po 'yan. Pati pagsulat ng kanta hindi lang po siya naka-Korean," dagdag ni Josh.
Para naman kay Pablo: "Lahat naman po ng tao sa buong mundo meron po tayong tinatawag na sense of universality. 'Pag meron tayong bagay na nakikitang maganda, we take it and utilize it. Hindi naman po sinasabi na pangongopya or talagang kinukuha 'yung sinasabi, kumbaga influenced po tayo ng lahat ng bagay sa buong mundo."
Pinuna naman ng SB19 ang tila pangmamaliit ng ilang netizens pati sa ibang tao.
"Hindi ko alam kung saan nanggagaling, saan nila napupulot 'yung mga sinasabi nila. Kami po, kumbaga wala naman kaming ginagawang masama, ginagawa lang po namin 'yung kung saang paraan kami nag-e-enjoy at kung saan kami nag-excel sa tingin namin. Pero bakit po kailangang may mga ganu'ng salita?" sabi ni Pablo.
"'Yung mga ganu'n po, binabasa namin pero hindi naman po namin siya isinasapuso, labas din agad. Hindi naman kami nagho-hold ng grudge sa mga ganu'ng klaseng comment. Kasi parang wala lang din naman eh. Kasi 'di ba, aanuhin 'yung negatibong salita niyo kung mas kilala naman namin 'yung sarili namin," ayon kay Stell.
Gumawa ng kasaysayan ang SB19 nang maging nominado sila sa Top Social Artist category ng Billboard Music Awards 2021 kahanay ng iba pang sikat na international artists tulad ng BTS at Blackpink. —LBG, GMA News