Sa "iJuander," binalikan ni Neri Miranda ang kaniyang mga pinagdaanan sa buhay na humubog sa kaniyang pagiging isang "wais na misis." Kabilang daw sa mga naranasan niya noon ang manguha ng kaning-baboy para sa kaniyang negosyo.

"Nag-alaga kami ng baboy tapos kumukuha kami ng kaning-baboy sa mga kapitbahay. Pero hindi ko siya ikinakahiya, kapag ikinukuwento ko ngayon, proud ako naranasan ko 'yun," sabi ni Neri.

"Noong college ako, naglako ako ng mga ulam sa offices. Ang gagawin ko, uuwi ako ng bahay ng tanghali tapos sasabihin ko sa nanay ko na magluto siya. And then ilalako ko iyon ng tanghali," kuwento pa ng dating aktres, na isa na ngayong entrepreneur.

Hindi naging matagumpay noong una ang pagsabak ni Neri sa negosyo dahil hindi siya naging hands on at wala siyang background. Nalugi pa nga raw siya ng nasa P600,000 na nagmula sa pagpupuyat niya sa taping.

"Ang natutunan ko doon sa mga failures ko noong unang una, huwag mong isugal lahat ng pera mo sa iisang negosyo. Tinuruan ako ng asawa ko na, 'Kapag may P15,000 ka, 'yung P10,000 mo ilagay mo agad sa bangko, 'yung P5,000 ayun lang ang gastusin mo.' Sinunod ko 'yon," ayon sa kaniya.

Taong 2015 nang pumatok ang gourmet tuyo na sariling recipe ni Neri. Simula sa P3,000 na puhunan, nakapag-ipon na siya ng P1 milyon sa kaniyang pagtutuyo.

"Ang motivation ko, pamilya ko especially anak ko si Miggy. Pagod na pagod ako, pero kapag nakita ko 'yung anak ko, 'Ay hindi para sa anak ko ito.' I don't want na maranasan ng anak ko 'yun. Ang hirap na hindi ka makakapasok sa school kasi wala kayong pamasahe or hindi mo alam kung papasok ka ba dahil hindi kayo nakabayad ng tuition," sabi ni Neri.

Alamin sa iJuander ang mahigit sa 10 negosyo ni Neri na bunga ng kaniyang pagiging wais na misis.--FRJ, GMA News