Inihayag ni Glaiza de Castro na nagpositibo siya sa COVID-19 kahit na wala siyang nararamdamang anomang sintomas ng sakit. Samantala, muling kinunan ng ikalawang COVID-19 test si Miss Eco International first runner-up Kelley Day na nasa Ehipto.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Glaiza na nagpositibo siya sa virus base sa isinagawang unang RT-PCR test sa kaniya.
"Pinakikiramdaman ko rin 'yung sarili ko kung meron akong mga nararamdaman, wala at all. Kaya rin ako nag-quarantine or nag-self isolate sa condo ko ng mga ilang araw," sabi ni Glaiza.
"Until noong tumawag na ako sa lab kung puwede na akong magpa-reswab, nag-okay naman sila and thankfully, negative naman po ako," dagdag ng Kapuso actress.
Ang aral na gustong ibahagi ni Glaiza sa kaniyang naranasan: "Kahit na wala kang nararamdaman, kung ang result mo ay nag-positive ka, talagang you really have to monitor yourself, to stay at home," sabi ni Glaiza.
Samantala, sinabi naman ni Arnold Vegafria, National Director ng Miss Eco International Philippines, na maayos ang kalusugan ng pambato ng Pilipinas at first runner-up na si Kelley Day, na kasalukuyang nasa Ehipto.
"Miss Kelley day is doing okay healthwise and is currently awaiting the results of her second RT-PCR test, which should yield more conclusive results," sabi ni Vegafria sa isang pahayag.
"However, she can't fly back to Manila just yet, since there are no available return flights so far because of the ongoing ECQ lockdown," dagdag ni Vegafria.
Kasalukuyan aniyang nananatili si Kelley sa kaniyang hotel sa Ehipto.--Jamil Santos/FRJ, GMA News