Labis ang kasiyahan ni EA Guzman matapos na magwagi bilang Best Supporting Actor sa ikaapat na Entertainment Editors’ Choice (Eddys) Awards nitong Linggo para sa kaniyang performance sa pelikulang “Coming Home.”
Sa press conference kasama ang GMA Entertainment reporters, inilarawan ni EA na "overwhelming" at "unexpected" ang kaniyang pagkapanalo.
"Ito 'yung mga tine-treasure ko na pagkakataon and moments sa karera ko at sa buhay ko,” sabi ni EA.
Pakiramdam ni EA, ang paghawak sa kaniyang trophy ay para na ring "hawak ko 'yung passion ko.”
Nang tanungin kung ano ang kaniyang pinagsumikapan para makuha ang award, sinabi ni EA na niyakap niya ang kaniyang karakter na si Neb nang buo habang nasa set.
“Wala na, tapon si EA ... ako si Neb,” dagdag ni EA, na sinabing isinasapuso niya ang kaniyang mga linya at confrontation at breakdown scenes.
“Sinabi ko sa sarili ko, akin 'to, sa 'kin 'tong eksena na 'to,” sabi niya.
Bukod dito, naka-relate rin si EA sa totoong buhay sa kaniyang role, na isang mapagmahal at mapagbigay na anak na handang isakripisyo ang lahat para sa pamilya.
Inilahad ni EA na hinugot niya ang kaniyang karakter mula sa kaniyang kuya, sa pagganap niya bilang panganay sa pelikula.
Sinabi pa ng aktor, na gumanap na seaman, na humingi rin siya ng tulong mula kapatid at tatay ng kaniyang girlfriend na si Shaira Diaz, na mga nagtrabago sa maritime industry.
Sa kabila ng pagkapanalo, sinabi ni EA na hindi naman siya titigil na matuto at mag-level up kada taon para sa kaniyang career at fans.
Gusto pa raw gampanan ni EA ang iba pang challenging na karakter, tulad ng isang tao na may epilepsy, at kumpiyansa siyang mapo-portray niya ito nang maayos.
Ang Eddys ang award-giving body ng Society of the Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Ang “Coming Home” ay isang pelikulang family drama sa direksiyon ni Adolfo Alix Jr. sa ilalim ng Maverick Films, at entry sa 2020 Metro Manila Film Festival.
Bibida rin si EA sa upcoming GTV show na “Heartful Café” kasama sina David Licauco at Julie Anne San Jose.--Jamil Santos/FRJ, GMA News